
Tinapos ng Senate Committee on Finance ang pagdinig sa budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at isusumite na ito para sa pagtalakay sa plenaryo sa muling pagbubukas ng sesyon sa November 10.
Bago matapos ang budget hearing ng ahensya, tiniyak ni DPWH Sec. Vince Dizon na isusumite nila sa Biyernes ang listahan ng unimplementable o hindi na maipapatupad na mga proyekto at mga na-terminate na infrastructure projects at ang potential savings sa 2026.
Kasama rin sa isusumite ng ahensya sa Senado ang revised Construction Materials Price Data (CMPD) matapos na irekomenda ang pagtapyas sa presyo ng mga construction material ng DPWH at ang updated na listahan ng mga proyekto sa mga distrito sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP).
Dagdag sa isusumite rin ang mga proyektong may updated station numbers at yung dagdag na validation at justification para sa mga proyektong nauulit ang pagpopondo.
Sinabi ni Dizon na kung hindi naman nila maibigay ang detalye ng mga hinihinging dagdag na validation sa mga duplicated project ay binibigyang kalayaan ng DPWH ang Senado na alisin na ang mga proyektong ito sa ilalim ng 2026 National Budget.
Sa isinumiteng report ng DPWH sa mataas na kapulungan tungkol sa mga red flag projects, 798 sa 946 re-appearing projects sa 2025 at 2026 budget ang validated na habang 4,085 sa 4,566 na mga proyekto ang nai-update na ang mga station numbers.









