Bumuo na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng Task Force na magsisiyasat sa sinasabing mga katiwalian sa ahensya.
Kasunod na rin ito ng pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na talamak ang katiwalian sa DPWH, lalo na sa “lower levels” ng kagawaran.
Sa Department Order na pirmado ni Public Works Secretary Mark Villar sa pagbuo “Task Force against Graft and Corruption” (TAG), tatayong chairperson si Assistant Secretary Mel John Versoza habang ang Vice Chairperson ay si Director Gliricidia Tumaliuan-Ali.
Ang mga miyembro naman ng Task Force ay sina Director Michael Villafranca, Andro Santiago at Atty. Ken Edward Sta. Rita.
Sa sandaling matapos na ang imbestigasyon ng Task Force, magsusumite ito ng rekomendasyon sa Office of the Secretary sa pamamagitan ng isang resolusyon kung saan nakasaad ang kaukulang aksyon laban sa mga tiwaling opisyal o kawani ng DPWH.
Una na ring inabswelto ng Pangulong Duterte si Secretary Villar sa isyu ng katiwalian sa DPWH.