DPWH: Halaga ng pinsala sa sektor ng imprastraktura dahil sa Bagyong Goring, pumalo na sa halos ₱400-M

Pumalo na sa ₱379.58 million ang halaga ng pinsala sa sektor ng imprastraktura sa bansa dahil sa Bagyong Goring.

Batay sa pinakahuling ulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH)-Bureau of Maintenance, umabot na sa ₱143.28 million na ang pinsala sa mga kalsada sa Cordillera Administrative Region (CAR), Regions 1 at 2.

Nasa ₱13.44 million naman ang naitalang pinsala sa mga tulay, at ₱222.85 million sa flood control structures sa kaparehong rehiyon.


Dagdag pa ng DPWH, nananatiling nakasarado ang anim na road sections sa CAR at Region 1, dahil sa pagbagsak ng lupa, puno, bato, mud flow, at iba.

Habang nasa 24 na kalsada na ang muling binuksan ng DPWH quick response team para sa publiko.

Samantala, pinapayuhan naman ang mga motorista na huwag munang dumaan sa Vigan Bridge Ilocos Sur, at Nasugbu-Lian-Calatagan Road, Batangas, dahil sa nasirang bahagi ng tulay at gumuhong semento.

Facebook Comments