DPWH, handa na rin tumulong sa publiko ngayong Undas 2022

Inatasan na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang lahat ng Regional at District Engineering Offices nito na muling mag-deploy ng kanilang mga tauhan na aalalay sa mga motorista na babiyahe ngayong long weekend para gunitain ang Undas.

Ayon kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, muli nilang binuhay ang “Lakbay Alalay” na magsisimula ng alas-7:00 ng umaga ngayon Huwebes, October 28, 2022 at magtatagal ng alas-12:00 ng tanghali ng Miyerkules, November 2, 2022.

Ang DPWH “Lakbay Alalay” Teams ay kinabibilangan ng mga uniformed field at crew personnel na may mga maintenance equipment na naka-standby at navy blue-colored tents sa mga itatayong station.


Inatasan din ni Sec. Bonoan ang kanyang mga tauhan sa ground na tiyakin na nasa ligtas na kalagayan ang mga ongoing project at dapat mayroong mga nakalagay na mga tamang safety signage at traffic advisories na ipapaskil ng mga contractor.

Ito’y para maiwasan ang anumang pagbigat ng trapiko sa mga major road at ruta patungong sementeryo.

Nakikipag-ugnayan na rin ang DPWH sa iba pang government entities tulad ng Land Transportation Office, Philippine National Police at Local Government Units para sa ibang pangangailangang pagtugon sa mga biyahero.

Facebook Comments