Hiniling ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na pag-aralan ng Kongreso ang pagkakaroon ng ‘contingency budget’ para agad matugunan ang pagsasaayos ng mga nasirang tulay at imprastraktura bunsod ng mga malalakas na bagyo.
Sa confirmation hearing kanina ng Commission on Appointments, naitanong ni Senate President Pro-Tempore Loren Legarda kung ano ang pwedeng gawin ng ahensya sa mga tulay na nasira ng Bagyong Paeng na kamakailan lang ay tumama sa bansa.
Nababahala kasi ang senadora na hindi sapat ang aniya’y ‘band-aid solution’ kung saan humuhugot lang ng pondo sa Quick Response Fund (QRF) para sa pansamantalang pagsasaayos ng mga tulay upang magamit agad ng mga residente at motorista.
Ayon kay Bonoan, dahil karaniwang sa huling bahagi ng taon tumatama ang mga malalakas na bagyo ay hindi na nakakasama sa national budget ang alokasyon sa mga tulay na nasisira at sa QRF sila kumukuha ng pondo para sa agarang restoration ng mga nasirang tulay.
Dahil sa gawa na ang budget ay sa susunod na taon na National Expenditure Program (NEP) pa nila maisasama ang budget para sa reconstruction ng mga bumagsak at nasirang tulay.
Kaugnay rito ay umapela si Bonoan sa Senado at sa Kamara na silipin ang kasalukuyang polisiya para lagyan ng dagdag na contingency ang paghahanda ng NEP.
Maaari aniyang maglagay ng ‘contingency budget’ para sa ganitong requirement o sitwasyon upang hindi lang pansamantala ang pag-aayos ng mga nasirang tulay o imprastraktura.