
Pormal nang humiling si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon sa Department of Justice (DOJ) na maglabas ng Immigration Lookout Bulletin Order o ILBO laban kay dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo.
Sabi ni Dizon, mahalagang makapaglabas agad ng ILBO para hindi maantala ang imbestigasyon sa mga umano’y ghost at substandard na flood control projects na lumutang sa mga pagdinig sa Senado at Kamara.
Kailangan aniyang masiguro na hindi makakatakas si Bernardo lalo na’t nais siyang imbitahan ng mga mambabatas bilang bahagi ng investigation in aid of legislation.
Dagdag pa ni Dizon, dapat maging alerto ang Bureau of Immigration (BI) at iba pang law enforcement agencies para bantayan ang anumang tangkang pag-alis ng bansa ng dating opisyal.
Ang hakbang ay alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pabilisin ang imbestigasyon at papanagutin ang mga tiwaling opisyal at kontraktor sa loob ng DPWH.









