
Humingi na ng tulong ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Land Transportation Office (LTO) para mabigyan sila ng listahan ng mga sasakyan na nakarehistro sa pangalan ng 26 na opisyal at kontratista na dawit sa maanomalya at ghost flood control projects.
Ang mga ito ang una nang inilagay sa freeze order ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang mga ari-arian.
Batay sa liham ni DPWH Secretary Vince Dizon kay LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza, humihiling sila ng mga impormasyon kaugnay sa mga sasakyang nakarehistro sa mga naturang indibidwal.
Kabilang dito ang kontrobersiyal na mag-asawang contractor na sina Curlee at Sarah Discaya, dating Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara, dating Assistant District Engineer Brice Hernandez, at sinibak na Construction Division Chief Jaypee Mendoza.
Una nang nagsampa ng reklamo ang DPWH sa Office of the Ombudsman laban sa ilang indibidwal.









