DPWH, ipapatawag ang mga empleyado na sangkot sa anomalya

Ipapatawag ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga empleyado nila upang magpaliwanag sa pagkakasangkot sa umano’y anomalya sa kanilang kagawaran.

Ito’y bilang bahagi ng ginagawa nilang imbestigasyon sa nangyayaring korapsyon sa kanilang departamento kung saan sangkot ang mga empleyado sa sampung kaso ng umano’y anomalya.

Matatandaan na bumuo ng task force ang DPWH kasunod ng nabistong P345.25 billion na lump sum na kasama sa proposed 2021 budget gayundin ang umano’y kickback mula sa mga contractors.


Sa pahayag ni DPWH Secretary Mark Villar, kanila nang nire-review ang kaso ng mga sangkot na empleyado at inihahanda na rin nila ang pag-isyu ng show cause order sa mga ito.

Bukod sa mga tauhan ng DPWH, pananagutin din ni Villar ang mga contractors sa bawat proyekto na sangkot sa anomalya kung saan nasa 25 contractors na ang blacklisted sa kanila.

Samantala, dinepensahan naman ng kalihim ang P680 billion proposed budget para sa taong 2021 saka sinabing handa niyang ipaliwanag ito sa Kongreso lalo na’t lahat ng ito ay para sa kasalukuyan at sa gagawin pang ibang proyekto.

Facebook Comments