Makikipag-ugnayan ang Department of Public Works and Highways o DPWH sa Metropolitan Manila Development o MMDA at mga lokal na pamahalaan sa kalakhang Maynila kaugnay sa magiging paghahanda para sa paparating na panahon ng Undas at Pasko.
Ayon kay Secretary Mark Villar, kabilang sa mga pag-uusapan ay kung kakailanganin bang ihinto muna ang ilang road works at konstruksyon ng mga proyekto sa Metro Manila.
Sinabi pa ni Villar na alam niya na kabi-kabilang konstruksyon at road repairs ay may epekto sa daloy ng trapiko sa maraming lansangan sa Metro Manila Kaya naman gagawin nila ang lahat para mabawasan ang “inconvenience” na dulot ng mga ginagawang proyekto sa mga motorista.
Dagdag pa ng Kalihim, tutukuyin nila ang mga lugar kung saan maaaring hindi muna ituloy ang konstruksyon ng proyekto, pero tiyak na dire-diretso ang paggawa sa Skyway na “nasa taas naman” at hindi gaanong nakakaapekto sa trapiko.
Ilang araw na lamang din ay gugunitain na ang Undas, kung saan inaasahang marami ang bibiyahe, na karamihan ay palabas ng Metro Manila.
Papalapit na rin ang tinatawag na Christmas season, at inaasahang marami ang dadagsa sa mga mall o pamilihan kaya at habang maaga pa lamang ay kinakailangan nang gumawa ng plano para mabawasan ang pagsikip ng daloy ng trapiko.