Wednesday, February 4, 2026

DPWH, minamadali na ang mga natenggang kontruksyon ng mga paaralan sa bansa

Minamadali na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang konstruksyon at pag-imbentaryo ng mga natenggang paaralan at mga classrooms sa buong bansa para sa mas maginhawa ang pag-aaral ng mga estudyante.

Ayon kay DPWH Sec. Vince Dizon, mismong si Pangulong Bongbong Marcos Jr. ang nagbigay direktiba na magtulungan ang DPWH at Department of Education (DepEd).

Ito’y para mapondohan ang mga proyekto at mapabilis ang implementasyon gayundin ang pagsasaayos ng konstruksyon ng mga paaralan kasabay ng pagtukoy sa mga hindi natapos na proyekto.

Giit ng DPWH, uunahin muna ang mga naiwang proyekto bago magdagdag ng panibagong mga konstruksyon upang maiwasan ang mga backlog.

Sa pag-iinspeksyon ni Dizon sa Revilla National High School, nais din niyang matapos na ang pagsasaayos ng kalsadang papunta sa eskwelahan para mas maging maginhawa ang biyahe ng mga estudyante.

Target naman ng DPWH na matapos ang pagkukumpuni ng daan o kalsada bago ang tag-ulan.

Facebook Comments