Muling ipagpapatuloy ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang ikinakasa nilang road repairs sa may bahagi ng EDSA, C-5 at ibang bahagi ng Quezon City ngayong weekend simula at alas-11:00 ng gabi Biyernes.
Dahil dito magkakaroon ng ilang road reblocking ang DPWH simula mamayang alas-11:00 ng gabi partikular sa apat na sections ng EDSA-Northbound sa Quezon City.
Ito ay sa Santolan-MRT Station bus lane pagkalagpas ng P. Tuazon flyover patungong Aurora Tunnel, 3rd lane mula center island pagkalagpas ng Aurora Boulevard patungong New York Street, 3rd lane mula center island malapit sa Kamuning Road at Kamias Road.
Sa EDSA-Southbound, magkakaroon ng road repairs sa U-turn slot service road sa Kamuning Road intersection, gayundin sa tapat ng Kamuning Police Station 10 at sa may bahagi ng Balingasa Creek patungong Oliveros Footbridge sa Quezon City.
Bukod dito may ilan rin isasagawang pagsasaayos sa Fairview Avenue Southbound malapit sa Mindanao Avenue Extension, Cloverleaf patungong NLEX Northbound at kabilang panig nito.
Magkakasa rin ng road rehabilitation sa C-5 Road at kanto ng C.P. Garcia Avenue sa Quezon City at Southbound second lane sa Makati City.
Dahil sa inaasahang pagbagal ng daloy ng trapiko sa mga lugar kung saan ikakasa ang pagsasaayos, pinapayuhan ang mga motorista na maghanap muna ng alternatibong dadaanan lalo na’t sa Lunes, August 1, 2022 ng alas-5:00 ng umaga pa ito muling bubuksan.