DPWH, naghahanda na ng mga kasong isasampa sa mga susunod na araw kaugnay sa flood control scandal; ilang reporma ng ahensya, inilatag

Asahan na sa mga susunod na araw at linggo ang paghahain pa ng maraming kaso laban sa mga Department of Public Works and Highways (DPWH) official at mga contractor na sabit sa katiwalian sa mga proyekto ng ahensya.

Ito ang tiniyak ni DPWH Secretary Vince Dizon sa pagdinig ng Senado sa budget ng ahensya para sa susunod na taon.

Ayon kay Dizon, may mga inilatag na silang major reforms sa DPWH at kabilang na rito ang unti-unting pagsasampa ng kaso sa mga taga-ahensya at iba pang kasabwat sa mga maanomalyang flood control projects.

Nauna na aniyang sinampahan ng kaso ang mga opisyal ng DPWH Bulacan at Oriental Mindoro at asahan pa ang paghahain ng kaso sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Aabot naman sa 12 na kaso ang naihain laban sa mga sangkot sa bid rigging o mga sangkot sa pagmamanipula ng bidding process sa mga proyekto.

Mayroon na ring mahigit 20 na mga DPWH official ang inisyuhan ng show cause order at nagsimula na ring repasuhin ang human resource policies para sa pagtanggap ng empleyado kung saan dadaan na ang mga applications sa masusing review.

Kabilang rin sa mga repormang isinasagawa ngayon ng DPWH ay ang planning and budgetary reform para sa 2027 budget, procurement process, implementation at monitoring ng mga proyekto at pagbaba ng cost ng materyales ng ahensya na napuna na rin ng Kongreso.

Facebook Comments