Nagsalita na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay ng kumakalat na impormasyon sa social media na umano’y itinigil na ang konstruksyon sa Calmay Bridge.
Lumaganap kamakailan ang mga kumento at pangamba ng publiko hinggil sa katibayan ng tulay, na inihahalintulad pa sa mga maanumalyang proyekto.
Nilinaw ng ahensya na walang katotohanan ang alegasyon dahil maayos na natapos ang phase one ng proyekto.
Ayon sa pahayag ng DPWH, pondo na lamang ang hinihintay para sa pagpapatuloy ng phase two, na nakatakdang makuha sa susunod na taon.
Matatandaang isinagawa ang groundbreaking ng Calmay Bridge noong 2024.
Layunin ng proyekto na ikonekta ang kabuuan ng Dagupan City sa dalawa nitong island barangays na Carael at Calmay, at maging bahagi ng bypass diversion road na nagdurugtong sa Pangasinan at Zambales patungong De Venecia Highway Extension.









