Ipinaliwanag ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na maraming dahilan kung bakit nasira agad ang aspalto sa Panguil Bay Bridge sa Northern Mindanao.
Ito ay matapos mag-viral ang tulay na nasira agad kahit ilang buwan pa lamang mula noong buksan para sa mga motorista.
Ayon sa kagawaran, dulot ito ng pagdaan ng mga overloading trucks na lagpas sa 30 tonelada na capacity ng tulay ang timbang.
Mas pinalala pa umano ito ng mga pag-ulan na nagdulot ng deformation at paglaki ng mga potholes o butas sa kalsada.
Kaugnay nito, tiniyak ng DPWH na inayos na ang mga sirang bahagi ng kalsada sa mga nakalipas na araw.
Ayon kay DPWH Unified Project Management Office – Roads Management Cluster 2 Project Director Teresita Bauzon, hindi apektado ng mga sirang aspalto ang tibay ng tulay na may habang mahigit tatlong kilometro.
Tiniyak naman ng kagawaran na walang ginastos ang gobyerno sa pagtatapal ng bagong aspalto.
Binuksan sa motorista ang Panguil Bay Bridge nitong September 27.