Manila, Philippines – Nagsagawa ng damage assessment ang Department of Public Works and Highways sa Leyte kasunod ng pagtama ng magnitude 6.5 na lindol kahapon.
Batay sa inisyal na pagsusuri ng DPWH, wala pa silang naitatala na malaking pinsala sa mga tulay, kalsada at iba pang imprastraktura.
Gayunman, batay sa ulat ng DPWH 4TH Leyte Engineering District Office, ang lindol ay lumikha ng bitak sa bahagi ng Palo Carigada Ormoc Road partikular na sa pavement na malapit sa Bayan ng Kananga.
Sa kabila nito, nananatili namang passable o nadadaanan ng mga sasakyan ang nasabing kalsada.
May bitak din na nakita sa approach ng Valencia Bridge pero ito ay nananatili pa ring bukas sa mga motorista.
Passable din ang Ormoc Baybay Southern Leyte Road, Palompon Isabel Merida Ormoc Road.
Patuloy namang kinukumpirma kung lumikha ng bitak ang lindol sa mga tulay ng Kinuhangan, Pagsangaan, Libungao Matag ob Road.
Wala namang naitalang pinsala sa mga lugar na sakop ng DPWH Southern Leyte District Engineering Office, gayundin sa mga lugar na nasa hurisdiksyon ng 5th Leyte District Engineering Office na nakabase sa Baybay at 1st Leyte Engineering District Office.
Gayunman, itutuloy ng mga lokal na tanggapan DPWH ang pagsasagawa ng mas mabusising pag-iinspeksyon sa mga lugar na apektado ng lindol.