Sinimulan na rin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagsasaayos sa dalawa pang pasilidad sa Metro Manila na gagawing COVID-19 quarantine facilities.
Ayon kay Public Works Secretary Mark Villar, naumpisahan na ang conversion sa Filinvest Tent sa Muntinlupa City at ULTRA Stadium sa Pasig City para magsilbing Quarantine Centers.
Sinabi ni Villar na ang Filinvest Tent ay magkakaroon ng 108 bed capacity.
Sa ULTRA naman o ang Philippine Institute of Sports Multi-Purpose Arena or Philsports Arena, magtatayo ang DPWH ng makeshift hospital rooms para sa 156 na pasyente.
Ayon kay Villar, target nila na matapos ang pagsasaayos sa ULTRA sa lalong madaling panahon, o kasing bilis ng ginawa sa Philippine International Convention Center o PICC sa Pasay City.
Ang konstruksyon, aniya, ng cubicles ay isasagawa ng mga manggagawa “offsite” upang masunod pa rin ang social distancing.
Pero ang pag-assemble o paglalagay ng cubicles at finishing works ay kailangang gawin sa aktwal na lugar.