Umakyat na sa 651 quarantine facilities ang naipatayo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa harap ng surge ng COVID-19 cases sa bansa.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni DPWH Secretary at Isolation Czar Mark Villar, nakapaloob sa mga pasilidad ang nasa 24,000 beds.
Patuloy rin aniya ang pagtatayo ng mga pasilidad sa NCR Plus bubble lalo na at mataas ang occupancy rate.
Kabilang na rito ang pagbubukas ng isang modular hospital sa Quezon Institute na mayroong 174 beds.
Bukod dito, mayroon din naipatayo ang ahensya na modular hospital sa Lung Center of the Philippines na patuloy ang isinasagawang expansion at isang unit sa Jose Rodriguez Memorial Hospital sa Caloocan.
Sinabi ni Villar na ang pagtatayo ng mga quarantine facilities at modular hospitals ay layong hindi mapuno ang mga COVID-19 referral hospitals.