DPWH, nawili umano sa mga flood control projects kaya napabayaan ang mga silid-aralan — DepEd

Binatikos ni Education Secretary Sonny Angara ang dating liderato ng Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa kabagalan ng konstruksyon ng mga silid-aralan sa bansa.

Ito’y matapos lumabas sa Senado na 22 lang sa mahigit 1,000 target na paaralan ang natapos ngayong taon.

Sa ambush interview sa Malacañang, sinabi ni Angara na sa halip kasi na unahin ang mga paaralan, tila “nawili” umano ang ahensiya sa mga proyekto sa flood control.

Malaking kapabayaan aniya ito lalo’t umaabot pa sa 150,000 ang kakulangan ng classrooms sa buong bansa.

Dahil dito, sinabi ng kalihim na panahon nang baguhin ang sistema at isama ang mga lokal na pamahalaan sa pagpapatayo ng mga silid-aralan.

Simula pa kasi noong 2018, DPWH lang ang may kapangyarihang magpatayo ng mga ito para sa Department of Education (DepEd).

Naniniwala naman si Angara na sa ilalim ng bagong pamunuan ni DPWH Secretary Vince Dizon, bibilis na ang pagtatayo ng mga silid-aralan kasabay ng pangakong 40,000 classrooms bago matapos ang termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Facebook Comments