Pagpapaliwanagin ang Department of Public Works and Highways (DPWH) patungkol sa malaking budget at pagiging epektibo ng mga flood control projects sa gitna na rin ng naranasang matinding pagbaha sa Bicol Region at sa marami pang lalawigan sa Luzon dahil sa Bagyong Kristine.
Ayon kay Senate President Francis Escudero, pangunahing pagpapaliwanagin ang DPWH lalo’t lahat ng flood control projects ay dumaraan din sa naturang ahensiya.
Tinukoy ni Escudero na palaging nakukwestyon ngayon ang mahigit sa 5,000 flood control projects ng Marcos administration subalit mayroon aniyang naunang 13,000 na flood control projects ang dating administrasyong Duterte.
Posible aniyang nagkataon lamang din na mas malalakas ang mga bagyo ngayon kumpara sa mga nakaraan kaya hindi na kinaya ng mga drainage, flood control, mga ilog at lawa papunta sa karagatan.
Iginiit pa ni Escudero na kung mapatunayan mang may korapsyon kaugnay sa paggawa ng mga flood control projects ay dapat lamang managot dito ang engineer ng DPWH lalo na kung ito ay inilagay sa lugar na hindi naman binabaha o kaya naman ay itinuloy pa rin ang paggawa sa proyekto kahit kulang sa pag-aaral.