DPWH, pinagpapaliwanag sa paggamit ng testing at quality control ng mga infra projects

Pagpapaliwanagin ang Department of Public Works and Highways (DPWH) tungkol sa paggamit ng pondo para sa testing at quality control ng mga infrastructure projects.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education, tinukoy ni Senator Alan Peter Cayetano na P20 billion ang pondo na ito kada taon na nakalagak sa engineering administrative overhead fund ng DPWH.

Mula 2022 hanggang 2025 ay umabot na sa P94 billion ang pondo para sa testing at quality control ng mga proyekto.

Nagtataka si Cayetano na kung may ganitong kalaking pondo para suriin ang kalidad ng mga infra projects ay bakit may mga ghost at substandard na flood control projects.

Inirekomenda ni Cayetano na siyasatin ito ng Senate Committee on Finance sabay hirit na sana ang pondo ay naibigay na lamang sa sektor ng edukasyon.

Facebook Comments