DPWH, pinagsusumite ng Senado ng accomplishment report tungkol sa mga natapos na flood control projects

Pinagsusumite ni Senator Christopher “Bong” Go ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng accomplishment report tungkol sa Flood Control Management Program.

Matatandaang sinimulan nang imbestigahan ng Senado ang matinding pagbaha sa maraming lugar sa bansa matapos manalasa ang Bagyong Egay at Falcon gayundin ang tungkol sa flood control management at master plan ng gobyerno para makontrol na ang pagbaha.

Ayon kay Go, panahon pa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay taun-taong pinopondohan na ang flood control kaya dapat ay hindi na nangyayari ang matinding pagbaha sa maraming lugar.


Nais malaman ng senador na sa kabila ng bilyung-bilyong pondong inilaan ng mga nagdaang administrasyon sa napakaraming flood control projects, saang mga lugar na ang natapos at kung may accomplishment report ba para dito.

Bukod dito, pinalilinaw rin ni Go sa DPWH ang pagkakaroon ng master plan laban sa baha at tiyaking may prioritization kung saang lugar dapat ilalagay ang proyekto.

Iminungkahi ng senador na unahin ang mga lugar na matinding binabaha at may mataas na populasyon.

Nakiusap pa si Go sa DPWH na sa pagkakataong ito ay huwag namang sayangin ang pondo ng taumbayan na inilalaan ng pamahalaan para sa flood control.

Facebook Comments