Pinamamadali ni Committee on Public Works Chairman Senator Ramon (Bong) Revilla Jr., ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pagsasaayos ng mga imprastrakturang winasak ng Bagyong Paeng.
Nagpadala na ng liham si Revilla kay DPWH Secretary Manuel Bonoan para i-apela na bilisan ang pagsasaayos at konstruksyon ng mga sinira at bumagsak na government infrastructures tulad ng tulay at dike na hindi pa rin madaanan at patuloy na nagpapahirap sa mga kababayan lalo na ang mga nasa lalawigan.
Partikular na tinukoy ni Revilla sa ahensya ang mabilis na pagsasaayos sa Bantilan Bridge na nagdudugtong sa Sariaya, Quezon at San Juan, Batangas; ang Paliwan Bridge na nag-uugnay sa Antique at mga bayan sa Laua-an at Bugasong; ang Nituan Bridge sa Parang, Maguindanao; at ang Romulo Bridge sa Bayambang, Pangasinan.
Nakasaad sa liham ni Revilla ang agarang pagsasaayos sa mga nabanggit na tulay dahil mahalaga ang mga ito sa transportasyon ng mga tao at pagbyahe ng mga produkto.
Inihirit pa ng senador sa DPWH na kung maaari ay tularan ang ginawa ng Japan na sa loob lamang ng anim na araw matapos na sirain ng lindol noong March 2011 ang kahabaan ng daan sa Ibaraki Prefecture ay agad itong naisaayos.
Pinagsusumite rin ni Revilla ang DPWH ng report tungkol sa kabuuang pinsala ng lahat ng pampublikong imprastraktura kung saan nakadetalye rito ang kakailanganing pondo para sa reconstruction at timetable kung hanggang kailan matatapos ang mga pagsasaayos.