DPWH, pinuna sa kawalan ng aksyon sa mga opisyal na sangkot sa ghost flood control projects

Sinita ni Senator Alan Peter Cayetano ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa kawalan ng aksyon sa mga sariling opisyal na sangkot sa maanomalyang flood control projects.

Puna ni Cayetano na Vice Chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, bakit walang naisailalim sa preventive suspension na opisyal ng ahensya gayong simpleng paper trail lang ay sapat na para matukoy ang mga dapat managot.

Mayroon aniyang patakaran ang DPWH kung saan magsusumite ng dokumentasyon at larawan ng contractor sa bawat konstruksyon ng anumang imprastraktura.

Maaari aniyang hingiin ng ahensya sa mga contractors ang report na ito para matukoy sino ang mga kasabwat sa mga guni-guning proyekto.

Kung tinanggal man ang nasabing requirement ay posibleng may binabalak o may hindi na magandang ginawa sa proyekto.

Pinalalatag din ni Cayetano sa DPWH kung hanggang saan sa “chain of command” ng ahensya nakakaabot ang pisikal na pag-verify ng completion reports.

Facebook Comments