DPWH, posibleng makaltasan ng higit kalahati sa kanilang 2026 budget

Higit kalahati ng budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nanganganib na matapyas kapag hindi naisumite ng ahensya ang mga hinihinging dokumento ng Senate Committee on Finance.

Ayon kay Finance Committee Chairman Sherwin Gatchalian, posibleng higit P340 billion ang mababawas sa 2026 budget ng DPWH kapag hindi maisumite ng ahensya ang errata ng listahan ng mga natuklasang apat na red flags na aabot sa P271 billion at ang higit P70 billion na 20% na overpricing sa mga construction material.

Kapag bigo ang DPWH na isumite ang hinihinging updated na listahan ng Senado, ang P625.78 billion na proposed budget ng ahensya ay bababa sa P285 billion.

Samantala, sa Lunes, Oktubre 27, ay muling ipagpapatuloy ng komite ang budget hearing ng DPWH matapos na ilimita lang hanggang sa alas-sais ng gabi ang pagtatanong ng mga senador.

Sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP), ang proposed budget ng DPWH ay nasa P881.31 Billion pero dahil inalis ang higit P250 billion na pondo para sa mga flood control projects kaya bumagsak pa ito sa higit P625 billion na lamang.

Hinimok naman ni Gatchalian ang DPWH na gamitin ang pagkakataong ito para linisin at i-validate ang mga proyekto at items na nakapaloob sa DPWH budget.

Facebook Comments