
Ikinagalit ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang tumambad na substandard at palpak na flood control project sa Barangay Tagumpay, Naujan, Oriental Mindoro.
Ngayong Martes nang mag-inspeksiyon ni Dizon sa lugar kung saan nadiskubreng sira na agad ang proyekto kahit wala pang isang taon mula nang matapos ito.
Nadiskubre na tatlong metro lamang ang lalim ng flood control na malayo sa 12 meters na nakalagay sa plano.
Dahil dito, iniutos ng kalihim ang pagpapatigil ng konstruksyon at pinatawag ang dating regional director na sangkot para magpaliwanag.
Tiniyak ni Dizon na mananagot ang lahat ng responsable sa anomalya alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sabi naman ni Oriental Mindoro Governor Bonz Dolor, bukod sa substandard, hinati-hati pa sa pitong bahagi ang iisang proyekto na dapat sana’y isang bidding lamang.
Kabilang sa mga contractor ang St. Timothy Construction Corp., Elite General Contractor and Development Corp., at Sunwest Construction and Development Corp.
Tinawag ni Dizon na “blatant violation” ang ginawa ng mga contractor dahil hindi kayang gampanan ng proyekto ang dapat nitong silbi na protektahan ang mga residente laban sa baha.









