
Naglabas ng panibagong kautusan si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon hinggil sa pansamantalang hindi pagsusuot ng uniporme ng kanilang mga tauhan.
Ang desisyon ni Secretary Dizon ay bilang hakbang upang protektahan ang mga empleyado ng DPWH laban sa pambu-bully at harassment kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon sa mga iregularidad sa flood control projects.
Giit ng kalihim, pansamantalang pinapayagan ang hindi pagsusuot ng opisyal na uniporme para sa seguridad ng mga kawani.
Aniya, nakatanggap siya ng ulat mula sa mga namumuno ng unyon ng mga empleyado ng DPWH na ilan sa kanilang tauhan ay kinukutya at hina-harass.
Partikular na nakakaranas nito ang mga tauhan ng DPWH na sumasakay ng jeep, bus at LRT.
Muling umapela si Secretary Dizon sa publiko na huwag idamay ang karamihan sa mga tauhan ng DPWH lalo na’t ginagawa nila nang tama ang kanilang trabaho.









