Friday, January 16, 2026

DPWH Sec. Dizon, nagtalaga na ng kapalit ng nagbitiw na si Usec. Arrey Perez

Kasabay ng anunsyo ng muling pagpapatupad sa Cadet Engineering Program para paghugutan ng mga bagong tauhan at opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), inihayag ni Secretary Vince Dizon ang pagtatalaga kay Bureau of Design Director Lara Marisse Esquibil bilang Undersecretary for Convergence and Technical Services.

Ayon kay Secretary Dizon, si Esquibil ang unang nagtapos sa Cadet Engineering Program kung saan tiwala siya sa kakayahan nito at tiwala rin na papasa kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang gagawin niyang rekomendasyon.

Muling iginiit ni Secretary Dizon na dapat mangibabaw ang interes ng bayan at ang pagpili sa puwesto ay para lamang sa mga karapat-dapat kung saan taglay ang kasipagan, galing, at katapatan.

Pag-amin pa ng kalihim, nahirapan siyang kumbinsihin si Esquibil, hindi lang dahil sa bagong hamon ng trabaho kundi maging sa mga intrigang maaari nitong harapin.

Dagdag pa ni Secretary Dizon, kritikal ang naturang posisyon na iniwan ng nagbitiw na si dating Undersecretary Arrey Perez, lalo na sa pagtugon sa mga mahahalagang proyekto na kailangang agad maipatupad kung saan agad na sasabak sa trabaho si Esquibil ngayong araw.

Facebook Comments