
Pumalag si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon sa mga malisyosong pahayag at paratang ni Batangas Rep. Leandro Leviste.
Ito’y kaugnay sa isiniwalat ng kongresista na mayroon umanong insertions sa flood control projects ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) si Dizon.
Sa inilabas na pahayag ni Dizon, mismong BCDA na pinamunuan niya noon ang nag-isyu na ng malinaw na statement na itinatanggi ang pagkakaroon ng mga proyektong kontra-baha na pinondohan gamit ang budget insertions.
Iginiit pa ng kalihim na walang batayan at pawang kasinungalingan ang umano’y paggamit ng allocables para sa flood control sa BCDA.
Dagdag pa ni Dizon, kaduda-duda ang timing ng alegasyon ni Leviste kasunod na rin ng paglutang ng ilang tauhan ng DPWH na nag-aakusa sa kongresista.
Ito naman ay kaugnay ng isyu ng iligal at puwersahang pagkuha ng mga dokumento ni Leviste mula sa nasawing dating Usec. Maria Catalina Cabral.










