DPWH Sec. Vince Dizon, hinimok ang publiko na isumbong ang mga malalamang anomalya sa kanilang ahensya

Hinihikayat ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang publiko na tumulong upang tuluyan nang masugpo ang katiwalian sa ahensya.

Panawagan ni Dizon, maging mata at tainga ng bayan laban sa mga palpak o hindi nagawang proyekto ng DPWH kung saan paraan na rin ito para maisiwalat ang mga tiwaling indibidwal.

Ayon sa kalihim, kung may nakikitang kahina-hinalang proyekto ng DPWH sa probinsya o barangay, agad itong kunan ng litrato at i-report sa kanilang tanggapan.

Hinihimok din niya ang publiko na i-report ang mga opisyal ng kanilang ahensya na nagpapakita ng labis na karangyaan sa social media tulad ng mga magagarang kotse at bahay na hindi tugma sa kanilang posisyon.

Binanggit pa ng kalihim na tulad ng nakasanayan sa pagre-report ng mga “kamote driver,” ipakita rin sana ang mga maling gawain upang mahuli ang mga sangkot sa katiwalian.

Binigyang diin din ni Dizon na lahat ng sangkot sa katiwalian ay pananagutin, kahit pa kaibigan o kaalyado ng Pangulo.

Facebook Comments