
Binisita ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang nagpapatuloy na konstruksyon ng pagsasaayos ng drainage system sa kahabaan ng Araneta Avenue sa lungsod ng Quezon ngayong umaga.
Ang nasabing proyekto ay nasa ilalim ng Oplan-Kontra Baha ng gobyerno na target matapos sa huling linggo ng Pebrero.
Ayon kay Sec. Dizon, isa ito sa iba’t ibang intervention na ginagawa ng kagawaran simula noong nakaraang taon upang masolusyunan ang pagbaha sa lugar.
Kung saan kwento ng mga residente sa kalihim na umaabot hanggang tatlong metro o kasing taas ng bus ang tubig baha tuwing umuulan.
Ang naturang pagsasaayos ng drainage ay mula sa kahabaan ng Araneta Avenue hanggang bago mag-Quezon Avenue.
Bukod pa rito, magdadag pa ang DPWH ng drainage papasok naman ng E. Rodriguez at papalabas ng San Juan River na sisimulan naman sa Pebrero at inaasahang matatapos ng Mayo ngayong taon.
Tiniyak ni Sec. Dizon na magbubunga ng malaking ginhawa sa mga residente ang pagsasaayos ng drainage system sa lugar.
Samantala, plano rin ng kagawaran na magtayo ng pumping station na popondohan sa taong 2027 pero pansamantalang gagamit muna ng mobile pumping station para sa mas mabilis na paglabas ng tubig mula sa mga drainage.










