
Itinuturing ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na isang positibong hakbang ang posibilidad na maging bahagi ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ng independent commission na mag-iimbestiga sa mga isyu sa flood control projects sa bansa.
Sa ambush interview sa Zambales, sinabi ni Dizon na matagal nang forefront si Magalong sa pagsusuri at pagbabantay sa mga proyektong may kinalaman sa flood control, kaya malaking tulong ang kanyang posibleng partisipasyon sa komisyon.
Samantala, wala pang impormasyon si Dizon tungkol sa umano’y pagsali ni General Nicolas Torre III sa komisyon, at iginiit niyang desisyon ito ng pangulo.
Ganito rin ang posisyon ng kalihim sa usapin kung sino ang dapat mamuno sa komisyon, dahil tanging si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. lamang aniya ang may kapangyarihang pumili.
Binuo ni PBBM ang independent commission upang repasuhin ang mga flood control projects ng DPWH sa gitna ng mga alegasyon ng anomalya sa pagpapatupad ng mga ito.









