Personal na ininspeksyon ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon at Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang isang flood control project sa Barangay Calumbaya, Bauang, La Union.
Kasama si Mayor Magalong, na nagsisilbi ring Special Adviser ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), napag-alamang may mga seryosong pagkukulang sa proyekto. Natuklasan ni Dizon na ang ilang bahagi ng istruktura, kabilang ang mga inilagay na tubo na dapat sana’y magsilbing labasan ng tubig, ay peke o bara at hindi gumagana gaya ng nararapat.
Bukod dito, binatikos din ang paggamit ng mababang kalidad ng materyales sa proyekto, na idineklara nang “kumpleto” sa papel, pero hindi pumasa sa tamang pamantayan sa aktwal na inspeksyon.
Binigyang-diin ni Mayor Magalong ang kahalagahan ng maayos na pagbabantay sa mga ganitong proyekto upang matiyak na tama ang paggamit ng pondo ng bayan.
Ayon sa DPWH, magsasagawa sila ng masusing imbestigasyon at pananagutin ang mga responsable sa kapalpakan ng konstruksyon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









