DPWH Secretary Manuel Bonoan, pinagbibitiw ng isang kongresista

Iginiit ni Bacolod Representative Albee Benitez kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na mahiya at agad magbitiw sa pwesto.

Diin ni Benitez, sa ngalan ng prinsipyo ng command responsibility ay hindi sapat na mag-leave of absence lang si Bonoan.

Mensahe ito ni Benitez kay Bonoan kasunod ng pag-inspeksiyon ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos sa P55-million na halaga ng Bulacan flood control project na natuklasang hindi pala ginawa ng DPWH.

Ipinunto ni Benitez na kung ang proyektong ito ay nakalusot sa monitoring ng DPWH ay posibleng marami pang malalaki at mahalagang mga proyekto ang napondohan na rin pero hindi nagawa.

Nababahala si Benitez sa peligrong idudulot ng hindi pagtatayo sa nabanggit na mga proyekto na dapat ay magbigay proteksyon sa mga komunidad.

Bunsod nito ay hiniling ni Benitez sa sinumang papalit kay Bonoan na ipagpatuloy ang komprehensibong pag-audit sa lahat flood control projects upang matukoy ang mga itrakturang kwestyunable at substandard.

Facebook Comments