Hindi “exempted” si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar sakaling may makitang ebidensiya na kasabwat ito sa korapsyon sa kaniyang tanggapan.
Ito ang sinabi ng may bahay ng kalihim na si Justice Undersecretary Emmeline Aglipay-Villar.
Ayon kay Usec. Aglipay-Villar, bagama’t nagpapakita nang tiwala at kumpiyansa ang Pangulong Rodrigo Duterte sa mister nito, kinakailangan pa rin na sundin ang inilabas na memorandum kung saan lahat ng government officials at empleyado ay kasama sa iimbestigahan hinggil sa katiwalian at korapsyon.
Inihayag pa ni Usec. Aglipay-Villar na sakaling makitaan ng ebidensiya ang sinumang kasabwat sa katiwalian at korapsyon, agad nila itong sasampahan ng kaukulang kaso.
Nabatid na bukod sa DPWH, sisimulan na rin ng Department of Justice (DOJ) ang imbestigasyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Bureau of Customs (BOC), Bureau of Internal Revenue (BIR), at Land Registration Authority (LRA).
Samantala, welcome naman para sa ilang opisyal ng BOC ang bubuuing task force ng DOJ na siyang mag-iimbestiga sa katiwalian sa kanilang tanggapan.
Paliwanag ni BOC Spokesman Vincent Maronilla, siguradong malaking tulong ang gagawing imbestigasyon ng DOJ at dahil dito, malalaman ang mga ginagawa nilang hakbang para matukoy kung sinu-sino ang mga tiwaling tauhan at opisyal ng Customs.
Matatandaan na bilang bahagi ng pagsugpo sa katiwalian, sinimulan na ng Customs ang automated system upang hindi na magkaroon pa ng pagkakataon na makapag-kurakot ang ilang nakaupo sa pwesto.