Sisimulan na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang konstruksyon ng ‘We Heal as One Offsite Dormitory’ nito para sa mga healthcare workers simula sa unang linggo ng Hunyo.
Ayon kay DPWH Secretary Mark Villar, nagsagawa na sila ng aktuwal na inspeksyon sa lugar para sa anim na dormitoryo kasama ang mga kinatawan ng Quezon City Local Government.
Ang mga nasabing dormitory ay ilalaan sa mga medical personnel ng East Avenue Medical Center, Philippine Heart Center, Lung Center of the Philippines, National Kidney and Transplant Institute, Veterans Memorial Medical Center, V. Luna Medical Center at iba pang hospital workers.
Base sa design plans na inihanda ng DPWH Task Force to Facilitate Augmentation of Local/National Health Facility, may 16 na kuwarto ang isang palapag na dormitory at may magkahiwalay na banyo na gawa sa dalawang 40-foot modular containers.
Kada dormitory ay kayang makapag-accomodate ng 32 medical personnel.