Dr. Baggao ng CVMC, Umapela sa Publiko!

Cauayan City, Isabela- Hinimok ni Dr. Glenn Baggao, Director ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) ang publiko na huwag agad naniniwala sa mga naririnig o lumalabas na impormasyon kaugnay sa kumakalat na sakit na 2019 novel Coronavirus.

Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya, nilinaw nito na walang kaso ng 2019 nCoV sa buong Lambak ng Cagayan.

Ang impormasyon ay manggagaling aniya sa DOH at tanging si Sec. Francisco Duque III lamang ang magbibigay ng kumpirmasyon.


Kaugnay nito, nilinaw rin ni Dr. Baggao na maituturing lamang na ‘Person under investigation’ o PUI ang isang pasyente kung nakitaan ito ng limang criteria ng nCoV na may travel history sa China, nakararanas ng ubo, sipon, lagnat, hirap sa paghinga at may exposure sa isang lugar o tao na apektado ng nCoV.

Kung wala aniya ang 5 criteria sa isang pasyente ay maituturing lamang na ‘Person under monitoring’ (PMU).

Paalala nito sa publiko na panatilihin ang personal hygiene, o kalinisan sa katawan at agad na kumonsulta sa Duktor sakaling makaramdam ng ubo, sipon at lagnat upang agad itong maagapan.

Facebook Comments