Dr. Baggao ng CVMC, Umapela sa Publiko na Sumunod sa Alituntunin ng DOH Kaugnay sa COVID-19!

*Cauayan City, Isabela- *Nananawagan sa publiko si Dr. Glenn Matthew Baggao, pinuno ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) na seryosohin at sundin ang alituntunin ng DOH at ng iba pang ahensya ng gobyerno upang mapigilan ang paglala pa ng Coronavirus (COVID-19) pandemic.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Baggao, huwag sana aniyang magmatigas ng ulo ang taong bayan bagkus ay sumunod sa payo ng gobyerno na manatili lamang sa loob ng bahay at huwag lalabas kung hindi naman importante.

Kawawa aniya ang mga healthworkers at iba pang frontliners na nagsasakripisyo kung ipagsasawalang bahala ang COVID-19.


Nananawagan din ito sa mga LGU’s at mga nagbabantay sa Checkpoints na higpitan pa ang pagbabantay upang makontrol ang dami ng mga lumalabas ng barangay patungo sa mga palengke o sa mga bangko.

Ito’y upang maiwasan aniya ang exposure ng mga tao sa iba at maiwasan rin ang posibilidad na pagkahawa at pagkalat ng naturang sakit.

Kaugnay nito, sa kasalukuyan ay nasa kabuuang bilang na 502 na mga Person’s Under Investigation (PUI) na sa buong Lambak ng Cagayan habang nasa 4, 691 naman ang mga Person’s Under Monitoring (PUM) sa COVID-19.

Samantala, mayroon nang dalawampu’t lima (25) ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 na naitala sa buong rehiyon dos.

Facebook Comments