Dr. Leachon kay Secretary Panelo: “You don’t deserve my time and my effort”

Sinagot ni dating National Task Force Against COVID-19 Special Adviser Dr. Tony Leachon ang naging pasaring sa kanya ni Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo kamakailan.

Una rito, isinapubliko ni Panelo ang intensyon ni Leachon na maging kalihim ng Department of Health (DOH) kung saan naka-address pa mismo sa kanya ang aplikasyon nito.

Kasabay nito, hinamon din niya ang health expert na subukang maging politiko dahil sa madalas nitong pagkokomento sa mga usapin.


Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Leachon na wala siyang ambisyong maging Health secretary dahil maganda naman ang kanyang trabaho bilang isang cardiologist.

Kung iniisip aniya ni Panelo na kinakalaban niya ang gobyerno, nagkakamali aniya ito dahil katunayan, sinusubukan niyang makatulong lalo ngayong panahon ng krisis bunsod ng COVID-19 pandemic.

“Ako’y isang ordinary citizen para pagtiyagaan ni Secretary Panelo. Ginagawa lang po yun kaya lang nakakaawa naman po na ang supporter ng government is being used against a single person na ang gusto po’y tumulong sa government,” ani Leachon.

“Tigilan niyo na ho ‘yan Secretary Panelo at i-ignorin ko na ho kayo kasi you don’t deserve my time and my effort,” dagdag pa ng health expert.

Facebook Comments