Kasunod nang kontrobersyal nitong tweet hinggil sa nangyaring community pantry ng aktres na si Angel Locsin kamakailan bilang bahagi ng kanyang kaarawan kung saan isang senior citizen ang nasawi at marami ang nagkumpulan.
Muling nilinaw ni Dr. Ted Herbosa, medical adviser ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 na hindi siya tutol sa mga nagsisisulputang community pantry sa ngayon.
Ayon kay Dr. Herbosa, magandang ideya ang community pantry dahil isa itong katangi-tanging trait ng mga Pilipino na nagtutulungan sa oras nang pangangailangan.
Paliwanag pa nito, hindi siya tutol sa community pantry pero dapat numero unong isa-isip ng mga organizer nito ang kaligtasan at kapakanan ng mga taong lalahok dito.
Ani Herbosa, kapag magoorganisa ng ganitong mga aktibidad dapat makipag-coordinate muna sa lokal na pamahalaan para mabigyan ng kaukulang assistance o mas maganda na ihatid na lamang sa kada tahanan ang mga ipagkakaloob na pagkain upang hindi na lumabas pa ang mga tao dahil iniiwasan ang pagkakaroon ng mass gathering o pagkukumpul-kumpulan ng mga tao na maituturing na isang super spreader event.