Friday, February 6, 2026

Draft ng BRC report at pagkakatanggal kay Sen. Imee Marcos sa Committee on Foreign Relations, hinihinalang dahilan ng tangkang kudeta sa Senado

Pinaghihinalaan ng mayorya ang dalawang dahilan na nag-udyok sa minority group para itulak ang pagpapalit ng Senate leadership.

Ayon kay Senate President Tito Sotto III, dalawa ang nakikita nilang dahilan na maaaring trigger sa tangkang kudeta sa kanyang pamumuno.

Una aniya rito ay ang pagkakatanggal kay Sen. Imee Marcos bilang Chairman ng Senate Committee on Foreign Relations at ang lumabas na draft committee report ukol sa maanomalyang flood control projects.

Sa tingin din ni Sotto, ilan ito sa mga naging dahilan para hikayatin ng mga taga-minorya ang ilan sa myembro ng majority para lumipat sa kanila kung saan napapabalita nga rito ang pagkumbinsi sa magkapatid na sina Senators Mark at Camille Villar.

Si Sen. Mark ay kasama sa inirerekomenda ng Blue Ribbon Committee (BRC) na “for further investigation” sa draft committee report pero wala namang nababanggit sa kanya kahit sila ay nagkakausap naman.

Samantala, sinagot naman ni Sen. Imee si Sotto tungkol sa duda na isa ang pagkakatanggal sa kanya sa Committee Chairmanship sa naging rason ng kudeta.

Giit ni Sen. Imee, walang kinalaman ang Foreign Relations Committee sa nangyayari sa Senado at ang umano’y resolusyon na dumidepensa kay Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Commodore Jay Tarriela ay hindi naman na-i-refer sa Committee on Foreign Relations.

Facebook Comments