
CAUAYAN CITY – Inihahanda na ng lungsod ng Santiago ang pinakainaabangang laban ng galing, talento, at karisma ng mga drag queens bilang bahagi ng opisyal na pagdiriwang ng 2025 Santiago City Pride Festival.
Sa anunsyong inilabas ng lungsod, binigyang-diin na ang patimpalak ay bukas para sa lahat ng drag queens sa Santiago City na may edad 18 pataas.
Kailang lamang isumite ng mga lalahok ang ilang mga requirements kabilang ang kumpletong registration form mula sa Santiago City Information, Culture and the Arts, and Tourism Office (CICATO), CEDULA, Valid ID, at katunayan ng paninirahan mula sa barangay.
Magkakaroon din ng auditions at selection process sa June 6, 2025, ganap na ala-una ng hapon sa Business One Stop Shop, ikalawang palapag ng City Hall sa San Andres, Santiago City.
Sa naturang audition, walong (8) mga kalahok ang pipiliin upang makapasok sa grand finals. Ang formal format ng kompetisyon ay iaanunsyo kasabay ng pag-reveal sa Top 8 Finalists.
Samantala, inaanyayahan ang lahat ng drag queens sa lungsod na ipakita ang kanilang husay at lakas ng loob sa entablado ngayong darating na Hunyo.









