Inilatag ng lokal na pamahalaan ng Mangaldan ang isang comprehensive drainage development masterplan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) 2nd District Engineering Office bilang pangmatagalang solusyon sa problemang pagbaha sa bayan.
Ayon sa LGU, layon ng plano na tugunan ang matagal nang suliranin sa ilang barangay na nakararanas ng pagbaha tuwing tag-ulan at may sama ng panahon. Kabilang sa mga natukoy na pangunahing dahilan ay ang kondisyon ng mga river systems at hindi maayos na drainage facilities sa ilang lugar.
Bagama’t patuloy ang isinasagawang canal declogging, localized drainage repairs, at iba pang flood-mitigation projects, iginiit ng LGU na kinakailangan na ng mas sistematikong hakbang upang masiguro ang pangmatagalang solusyon.
Tiniyak naman ng mga engineer mula sa DPWH na kanilang pag-aaralan ang naturang masterplan at agad na magbibigay ng kaukulang aksyon.
Matatandaan na sa pananalasa ng Super Typhoon Nando, muling nakaranas ng pagbaha ang ilang barangay sa Mangaldan, kabilang ang Navaluan at Banaoang. Kaugnay nito, nagpapatuloy ang imbentaryo, survey, at ocular inspection sa iba’t ibang drainage systems ng bayan upang matukoy ang mga lugar na dapat unahin. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









