DRAYBER AT ANGKAS NG MOTORSIKLO, NASAKTAN MATAPOS SUMALPOK SA KOTSE SA ROSARIO, LA UNION

Sugatan ang drayber at angkas ng isang motorsiklo matapos itong sumalpok sa isang kotse sa national highway ng Barangay Concepcion, Rosario, La Union kagabi, Disyembre 31, 2025.

Batay sa paunang imbestigasyon, patungong hilaga ang takbo ng kotse nang huminto at magbigay ng senyas para lumiko pakaliwa.

Nang magpatuloy ito at umabot sa kabilang outer lane, bumangga ang motorsiklo na nasa southbound lane sa kanang likurang bahagi ng sasakyan.

Dahil sa banggaan, tumilapon ang 17-anyos na drayber ng motorsiklo at ang kanyang kaangkas na kapwa menor de edad at nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Agad silang dinala sa ospital para sa gamutan.

Hindi naman nasugatan ang drayber ng kotse at mga sakay nito.

Kapwa nagtamo ng pinsala ang dalawang sasakyan na inaalam pa ang halaga ng pagkukumpuni.

Napagkasunduan ng magkabilang panig na ayusin ang insidente sa pamamagitan ng pag-aareglo.

Facebook Comments