Drayber at Angkas, Patay Matapos Maaksidente

25

Cauayan City, Isabela- Patay ang dalawang sakay ng motorsiklo matapos magsariling maaksidente sa kahabaan ng Purok 1 Brgy Marabuli Uno, Cauayan City, Isabela.

Nakilala ang drayber ng isang itim na Honda Wave 100 na may plakang B102HP na si Jonathan Garania, 23 taong gulang, binata, helper, nangungupahan sa Brgy San Fermin at tubong Lallo, Cagayan habang ang barck rider nito ay nakilalang si Raymond Ramones, nasa hustong gulang, helper at residente ng Brgy. Maligaya, Cauayan City, Isabela.

Una rito, pasado alas 5:00 ng hapon, Setyembre 5, 2020 nang makatanggap ng tawag ang himpilan ng pulisya na may naaksidente sa naturang lugar na malapit sa tulay.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, patungong Silangang direksyon ang motorsiklo na minamaneho ni Garania at nang makarating sa pakurbang bahagi ng daan ay aksidente itong bumangga sa gutter ng daan dahilan upang sila ay sumemplang at tumama sa punong kahoy.

Parehong nagtamo ng matinding pinsala sa katawan at ulo ang dalawang sakay ng motorsiklo.

Naitakbo pa ang mga biktima sa ospital subalit idineklarang dead on arrival (DOA) ng attending physician.

Facebook Comments