Iimbestigahan na ng Land Transportation Office (LTO) ang drayber at may-ari ng SUV na umano’y iligal na nagpapanggap na Transportation Network Vehicle Service (TNVS).
Una nang naging viral sa social media ang reklamo ng ilang netizen laban sa drayber ng SUV (may plakang NGS 5176) na nagpapanggap umanong lehitimong TNVS na pilit na kumukuha ng pasahero pero naniningil ng mas mataas.
Sa show cause order na ipinalabas ng Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO, inatasan ang nakarehistrong may-ari ng SUV at ang drayber nito na humarap sa ahensya sa darating na ika-31 ng Enero, alas-10:00 ng umaga.
Pinagpapaliwanag ang drayber kung bakit hindi ito dapat maharap sa kasong administratibo dahil sa pagiging kolorum o ang posibleng paglabag na Private Motor Vehicle Operating as For-Hire sa ilalim ng Joint Administrative Order No. 2014-01 gayundin kung bakit hindi dapat masuspendi o mabawi ang lisensya ng pagmamaneho nito dahil sa pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle (alinsunod sa Republic Act 4136).
Maliban dito, naka-alarma na rin ngayon ang plaka ng SUV upang mapigilan ang anomang transaksyon habang nagpapatuloy ang pagsisiyasat.