Drayber ng Punerarya, Nasagasaan ng Dump Truck, Patay!

Villa Conception, Cauayan City- Nasa kustodiya na ng Cauayan City police station ang lalaking drayber ng dump truck matapos nitong masagasaan ang isa pang drayber punerarya pasado alas dyes kahapon Mayo 19, 2018 sa Barangay Villa Conception, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang nasawi na si Romuald Mina, 26 anyos, drayber ng St. Peter Life Homes Inc. at residente naman ng Brgy. Magsaysay, Naguilian Isabela samantalang kinilala naman ang suspek na si Expedito Pascual, 52 anyos, walang asawa, drayber, at residente naman ng Catabban, Burgos, Isabela.

Sa ibinahaging impormasyon ng Cauayan City Police Station, binabaybay umano ng suspek ang kahabaan ng provincial road sa Brgy. Villa Conception ng ito ay makarating sa pataas na bahagi ng daanan at biglang nawalan ng preno at kontrol dahilan upang umatras ang minamaneho nitong dump truck at masagasaan si Mina na noon ay nasa gilid naman ng nakaparadang sasakyang minamaneho nito na pag-aari ng naturang punenarya.


Agad namang rumesponde ang kapulisan maging ang rescue 922 ng makatanggap sila ng impormasyon tungkol sa insidente ngunit hindi na nadatnan ng buhay si Mina na nagtamo ng matinding pinsala sa katawan na naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan.

Samantala, boluntaryong sumuko sa mga rumespondeng kapulisan si Pascual na ngayon ay mahaharap sa kaukulang kaparusahan at sinubukan naman ng RMN Cauayan News Team na kapanayamin ito ngunit tumangging magbigay ng pahayag.

Facebook Comments