Iminungkahi ni Committee on Public Works Chairman Senator Manny Pacquiao, ang pagsasagawa ng malawakang dredging o paghuhukay ng malalim hanggang sampung metro sa mga ilog at iba pang daanan ng tubig sa mga lugar na madalas bahain.
Diin ni Pacquiao, bukod sa kontruksyon ng Flood Control Systems ay dapat maglunsad din ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of the Interior and Local Government (DILG) at iba pang kinauukulang ahensya ng massive dredging program.
Paliwanag ni Pacquiao, kapag malalim ang mga ilog at mga estero, ay mas maiiwasan ang posibilidad na umagos ang tubig baha papunta sa mga kabahayan katulad ng nararanasan ngayon sa ilang lalawigan sa Luzon at Bicol Region.
Sabi ni Pacquiao, kabilang sa maaring isailalim sa massive dredging program ang Marikina River at Pasig River, gayundin ang Cagayan River, Pampanga River, Chico River at Laguna Lake.
Bukod dito ay iginiit din ni Pacquiao sa National Irrigation Administration (NIA), Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), Department of Science and Technology (DOST) at Department of Environment and Natural Resources (DENR), na pag-aralan ang konstruksyon ng rain catchment at water impounding facilities na sasalo ng ulan at tubig baha mula sa mga dam.