Dress code para sa magtutungo sa mga tanggapan ng gobyerno, pinapatanggal ng isang mambabatas

Iginiit ni Cotabato 3rd district Rep. Alana Samantha Taliño-Santos na huwag ng magpatupad ng “dress code” para sa sinuman na nais magtungo sa mga ahensya at opisina ng gobyerno.

Inihalimbawa ni Santos ang dress code sa ilang tanggapan ng gobyerno na naghihigpit sa pagsusuot ng sapatos, pantalon at polo shirts o blouse kaya bawal ang mga naka-suot lang ng tsineles at tank tops.

Ayon kay Santos, labis na apektado ng ganitong mga patakaran ang mga mahihirap o nabibilang sa marginalized sector sabay diin na walang sinuman ang nararapat makaranas diskriminasyon at hindi makatarungang pagbabawal sa access sa serbisyo ng pamahalaan.


Sa inihaing House Bill 7884 o “Open Door Policy Act” ay ikinatwiran ni ni Taliño-Santos na ang lahat ay mayroong karapatan sa “equal access” sa mga pampublikong serbisyo sa kanilang bansa alinsunod sa itinatakda ng Universal Declaration on Human Rights.

Saklaw ng panukala ni Santos ang lahat ng mga ahensya at opisina ng gobyerno, mga lokal na pamahalaan, state universities and colleges, mga opisina ng Kongreso na naglalaan ng frontline services at nagsasagawa ng mga pulong.

Facebook Comments