Drive-thru COVID-19 testing center, itinayo ng lokal na pamahalaan ng Maynila

Binuksan na ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang kauna-unahan nilang drive-thru COVID-19 testing center.

Ang nasabing testing center ay matatagpuan sa tapat ng Andres Bonifacio Monument kung saan ang Manila Health Department (MHD) ang mamahala rito.

Ayon kay Mayor Isko Moreno, kukuha ang MHD ng mga blood sample ng mga dadaan sa drive-thru at ipoproseso ito sa mga bagong biling COVID-19 Serology Testing Machines.


Ang apat na makina ay may kakayanang makapagproseso ng 89,600 tests sa isang buwan.

Maaaring dumaan sa drive-thru testing center ang mga residente ng Manila maging ang hindi residente ng lungsod.

Ang mga walang sasakyan o hindi makadaraan sa drive-thru testing center ay ire-refer sa mga pasilidad tulad ng Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center, Ospital ng Sampaloc, Ospital ng Maynila at sa mga health center.

Nabatid na ang pagtatayo ng drive-thru testing center ay paraan ng lokal na pamahalaan para palakasin at palawigin ang kanilang mga hakbang para mapigilan ang paglaganap ng COVID-19.

Facebook Comments