Inumpisahan na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang “CongVax drive-thru vaccination” para sa mga empleyado at dependents na may edad 18 anyos pataas.
Isinasagawa ito sa North Multi-Level Parking area sa compound ng Batasan Complex, sa Quezon City.
Layunin ng hakbang na “drive-thru vaccination” na mas mapalakas pa ang programa ng Kamara para sa bakunahan kontra COVID-19.
Ayon kay House Medical and Dental Service (MDS) OIC-Director Dr. Serafin Vincent Valencia, nagbukas sila ng 251 na slots para sa first dose ng COVID-19 vaccine sa mga empleyado at kanilang dependents.
Higit naman sa 40 ang vaccinators sa CongVax program ng Kamara kaya inaasahang mapapabilis na ang bakunahan.
Paglilinaw ni Valencia, hindi sila nagbabakuna ng mas bata sa 18 taong gulang o yung pediatric vaccination.
Aniya, may designated na vaccination site para sa mga ito at piling brand lamang ng bakuna ang pinapayagan para sa mga menor de edad.
Wala rin aniyang booster shot na isinasagawa ang CongVax program.